HANGZHOU, China — Sinagip ni taolu specialist Jones Inso ang Team ‘Pinas na huwag mabutata sa medalya nitong Lunes sa 19th Asian Games 2022 sa Zhejiang Province.
Ipinanganak sa La Trinidad, Benguet, sinungkit ng 26-anyos ang pangalawang tanso ng bansa nang pumangatlo sa wushu men’s taijiquan-taijijian all-around event sa Xiaoshan Gulai Cultural and Sports Centre.
May pinagsama siyang 19.216 points sa two-event (9.76 sa taijiquan o barehand at taijijian o swordplay) sa impresibong pagresbak mula sa pangingitlog sa medalya noong Mayo sa Cambodia Southeast Asian Games.
Kinagabihan, tumiklop naman ang huling tatlong pambato ng mga Pinoy na mga suportado ng Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee sa women’s swimming sa kalapit na Hangzhou Olympic Stadium Aquatic Sports Arena.
Pero konsolasyon na gumiba ng national record.
Pumang-anim si Kayla Noelle Sanchez sa una niyang individual event, 50-meter backstroke sa bagong national mark uli na 28.66 seconds, hinigitan ang qualifying time niya na 28.86 sa umaga, ang unang bumura sa PH record na 28.95 ni Teia Salvino sa Cambodia.
“I’m incredibly proud. I would like to say this is the new era of my career and to start it a new national record is very exciting. I can’t wait to improve more in the future,” bulalas niya.
Samantala, nagtakda rin si Xiandi Chua ng bagong Philippine record sa women’s 200m individual medley matapos niyang tumapos ng 2:16:18 sa final race.
(Ramil Cruz)
The post Jones Inso niligtas ‘Pinas sa medal, rekord sa 2 swimmer first appeared on Abante Tonite.





