Siguradong marami ang matutuwa dahil sa pagbabalik muli ng pinakamasayang game show sa telebisyon, ang ‘Family Feud’ sa October 2.
Kahit ang host nito na si Dingdong Dantes ay masaya na after nilang mag-season break, magbabalik na naman sila at may mga bago pa nga silang pakulo.
Isa na rito ang pagkakaroon ng mga batang contestant. Kaya tiyak, marami ang mag-aabang kung maglalaro ang anak niya na si Zia Dantes.
Aminado naman si Dingdong na baka ang mangyari, mas kabado pa raw siya bilang tatay kapag ang anak na ang maglalaro.
Nang tanungin kung na-miss ba niya ang ‘Family Feud,’ “Sobra, na-miss ko siya, pero parang hindi rin. Kasi, kahit saan ako pumunta, pinapaalala nila. Tinatanong nila kung kailan ba babalik? Kapag nakikipag-kuwentuhan ka na, ibinabalik nila ang mga question ng ‘Family Feud.’
“Kaya it only means something na hinahanap talaga nila. At indicator ko, ‘yung mga magulang ko, ang mommy at daddy ko. Bihira lang silang mag-text sa akin, pero, dalawa lang ‘yan. Ang tanong nila sa akin, ‘Sino ang pumatay kay Gustavo?’ at saka, ‘Kailan babalik ang Family Feud?’ Hindi man lang, kamusta ka anak?,” natawang kuwento niya.
Hindi pa raw nakakapag-guest sa ‘Family Feud’ ang pamilya Legaspi nina Zoren at Carmina, although nakapag-guest na si Mavy.
Gusto rin ni Dingdong na makapag-guest din sina Barbie Forteza at David Licauco.
At kung may chance, bet din ni Dong na siya naman ang maging contestant at mga pinsan niya na sina Carlo Gonzalez at Arthur Solinap ang gusto niyang ka-team. Pero ‘yung rerelyebo sa kanya bilang host, ang misis na si Marian Rivera ang type niya.
Pero naisip din niya na puwede rin si Michael V.
Samantala, nagtapos na ang primetime series niyang ‘Royal Blood’ pero tatlo pa rin ang shows na sabay-sabay niyang ginagawa sa GMA-7 . Ito’y ang ‘Family Feud,’ ‘The Voice Generations’ at ang ‘Amazing Earth.’ Nag-start na rin siya ng shooting ng MMFF movie nila ni Marian na ‘Rewind.’
Paano nga ba niya nagagawa ang lahat?
“Take it one day at a time,” aniya.
Pero dito rin namin nalaman na nagkasakit na rin pala siya recently at ngayon nga raw, okay na siya.
Sey ni Dingdong, “Honestly, noong nalaman ko na ito ang magiging 2023 ko, noong una, nakaka-shock siya. Nangyari, patapos na rin ang taon in three months. Nagkataon lang.
“Nagkasakit tayo few days ago, akala ko matatapos ko ang lahat ng ito without getting sick. Pero, nangyari and I think, aabot at aabot. Fortunately, okay naman, I came out a bit alright. Nagkaroon lang ng konting aberya, pero okay naman, nagawan ng paraan.
“Ngayon, well-rested na at marami akong baong energy,” nakangiting sabi ni Dingdong.
At dahil nga sobrang busy, aminado naman ang aktor na maraming time niya ang hindi niya naibibigay sa dalawang anak na sina Zia at Sixto. Pero, bumabawi naman daw siya rito tuwing Linggo at minsan, siya ang naghahatid sa school.
Kay Marian naman, may couple time pa rin sila. At ngayong magkasama sila sa shooting, time na rin nila ‘yon sa isa’t-isa . (Rose Garcia)
The post Dong nagkasakit first appeared on Abante Tonite.





