Binigyan ng babala ng Department of Health (DOH) ang publiko sa inaasahang pagtaas umano ng mga kaso ng nakahahawang sakit tulad ng trangkaso at COVID-19 dahil sa tag-ulan na susundan pa ng malamig na panahon.
Ayon sa DOH, nagsimula ang tag-ulan noong Hunyo at magtatagal hanggang sa Nobyembre. Kasunod umano nito ang taglamig mula Disyembre hanggang Pebrero.
Sabi ng DOH, ang mga kaso ng nakahahawang sakit, lalo na ang respiratory infection tulad ng influenza at COVID-19 infection ay inaasahang tataas dahil sa tag-ulan at taglamig. Sa mga ganitong panahon umano na kumakalat ang mga virus.
Batay sa datos ng DOH, mula Enero 1 hanggang Setyembre 16, umakyat sa 134,637 ang naitalang kaso ng mga influenza-like illness. Tumaas din umano ang mga kaso ng COVID-19 infection mula Agosto kung saan ay nagkaroon ng average na 172 bagong kaso ang naitala hanggang nitong Oktubre 3.
Subalit tiniyak ng DOH na nananatiling “low risk” ang bansa at pinayuhan ang publiko na panatilihin ang pag-iingat upang hindi magkasakit. (Juliet de Loza-Cudia)
The post DOH inalarma COVID, iba pang sakit sa tag-ulan first appeared on Abante Tonite.





