Noong Lunes, naglabas ng pahayag si Marikina Rep. Stella Quimbo kung saan pinabulaanan niya ang akusasyon na inubos ni Vice President Sara Duterte ang P 125 million na confidential fund nito sa taong 2022 sa loob lamang ng 19 na araw. Paliwanag ni Quimbo, sinunog ni VP Sara ang multi-million confidential fund sa loob lamang ng 11 na araw, o P 11 million kada araw. Wow! Salamat sa clarification, Congresswoman! Mas lalo mong nilubog si VP Sara sa kumunoy at nilantad ang kanyang extraordinary talent na super gastador ng pera ng mamamayan.
Ayon pa kay Quimbo, nagsubmit na daw ang Office of the Vice President ng liquidation report sa Commission on Audit (COA). Naglabas na rin daw ang COA ng audit observation memorandum (AOM) ukol sa paraan ng paggastos ng nasabing pondo, o isang written notification sa mga government agencies tungkol sa “deficiencies” ukol sa mga financial documents na isunumite. Bagama’t ang paglalabas ng AOM ay hindi awtomatikong indikasyon ng katiwalian, mahalaga itong maisapubliko para malaman kung ano ang mga nasabing “deficiencies” at mabantayan ng mamamayan kung paano nga ba ginastos ni VP Sara ang nasabing pondo.
Biruin ninyo nabigyan ng P 125 million confidenfial fund si Sara para lamang sa 11 days kumpara sa P 117 million intel fund ng Philippine Coast Guard (PCG) mula 2006 hanggang 2023! Yung confidential fund ng PCG sa loob ng 17 years kaya ubusin ni VP Sara na wala pang 2 weeks! Aba, daig pa niya ang official intelligence agencies natin ah! At ano naman ang pinagkagastusan ni VP Sara sa loob ng 11 days? May nangyari bang extraordinary sa mga araw na yon? May napigilan ba siyang secret alien invasion? May top secret, “mission impossible” ba siya? Ilang “James Bond agents” ba ang nasa payroll nila? Anong top level intelligence ba ang nahagilap ng kanyang opisina?
Ano ba talaga ang napala ng mamamayan sa confidential fund ni VP Sara? Sa loob ba ng 11 araw na iyon, naprotektahan ba ng OVP ang mga mangingisda at frontliners natin sa West Philippine Sea? Natulungan ba ni VP Sara ang publikong nagdurusa sa mataas na presyo ng bigas at gasolina? Or at the very least, naging competent at efficient ba ang OVP sa ilalim ni VP Sara?
Kung pagbabatayan natin ang Senate budget hearing kung saan nangamote si VP Sara sa mga simpleng tanong ng mga senador at tila nagtago pa sa kanyang undersecretary, luging-lugi ang mamamayan sa confidential fund na kanyang ginastos, at hindi deserving ng mas malaki pang pondo. Ano yon, magaling ka lang gumastos ngunit walang husay at talino magpaliwanag ng gastusin? Saang planeta naging makatarungan ito? Hiyang hiya naman si Asiong Aksaya! Kung ayaw ng bise presidente na mabansagang “Sara Gastadora,” aba eh explain-explain din po siya kapag may time!
——-
Noong Setyembre 20, natuklasan ng Philippine Coast Guard (PCG) na naglagay ang China ng
300-meter-long barrier sa timog-silangang bahagi ng Panatag Shoal sa West Philippine Sea. Ang nasabing shoal ay parte ng munisipalidad ng Masinloc, Zambales at nasa loob ng ating exclusive economic zone (EEZ). Layunin ng barrier diumano na pigilan ang ating mga mangingisda na lumaot sa nasabing lugar. Biruin ninyo yan, pinagbabawalan tayo mangisda sa sarili nating dagat?!? Anong kalokohan yan!
Buti na lamang, nitong Lunes, matapang na tinanggal ng ating coast guard ang barrier bilang pagtatanggol sa ating mangingisda at soberanya. O baka naman babatikusan ulit ito ni Senator Robin Padilla na “nagdadagdag ng kahoy sa apoy?”
Panahon na para suportahan ang full modernization ng ating coast guard upang mas maprotektahan nila ang ating mga mangingisda at ating dagat. Ito sana ang atupagin ng ating mga mambabatas, lalo na ni Sen. Robin. Ipagtanggol naman sana ni “bad boy” ang ating makasaysayang Arbitral Ruling victory sa West Philippine Sea imbes na maging “good boy” ng China. Imbes na i-deny ni Sen. Robin na may kasaysayan ang China ng pang-aabuso, agresyon at panghihimasok sa ating teritoryo, kilalanin niya ito. Ika nga, “knowing is half the battle won.” Kaya ba, Sen. Robin?
The post 11-day P125M confidential fund ni Sara, mas malaki pa sa 17 year Intel fund ng PCG first appeared on Abante Tonite.





