Naniniwala ka ba na ang isang good leader ay good listener din? May boss ka ba na marunong makinig at open sa suggestions and recommendations? O maski ikaw mismo na boss o lider, marunong ka bang makinig sa iyong mga tao? Good question, right?
Ayon sa isang artikulo ng fastcompany.com, mayroon daw tatlong katangian ang isang good listener na lider. Bilang lider, mayroon kang malaking papel na ginagampanan hindi lamang sa trabaho na iyong ginagawa kundi sa pakikitungo at pagkilala sa iyong nasasakupan o mga tao.
Upang magawa iyan, kailangan mo ang mga katangiang ito:
1. Bigyan ng tsansang magsalita ang ibang tao o let other people talk
Mayroong kaakibat na responsibilidad ang promotion ngunit may dulot din itong prestihiyoso at makapangyarihan. Tempting gamitin ang status na ito upang magsalita at magbahagi ng opinyon at komento.
Mayroong sitwasyon na kailangan talagang magsalita ng isang lider, saanmang miting o pagtitipon. Ngunit ang isang magaling na lider ay binibigyan ng tsansa ang kanyang tao na magsalita nang magsalita at magbahagi ng kaalaman. Sa gayun, sila ay makikilala sa angkin nilang galing at talino na ikaw rin naman ang may dulot dahil sa maayos na training na iyong ibinigay.
Kailangan mo rin marinig ang opinyon ng iba upang mas mapalawak ang iyong kaalaman bukod pa sa iyong nalalaman ngayon. Mas masarap din minsang makinig kaysa magsalita dahil sa mapupulot mong magagandang aral at ideya mula sa iba.
Hindi naman kalabisan kung ikaw naman ang makikinig at ie-encourage mo ang iyong mga tao na magsalita at magbahagi ng kanilang kaalaman at talino. Mas nakakaproud kapag alam mong kaya rin pala ng mga tao mong maging isang tunay na lider.
2. Ask follow up questions
Hindi maaaring magtapos ang isang usapan nang walang katanungan. Kaya naman mainam na matutong magtanong nang magtanong lalo na kung mayroong bumabagabag sayo.
Maaari mong simulan sa pagtatanong kung ano ang pinakamahalagang pagsubok na kaniya o kanilang kinaharap. Sa gayun, makakakuha ka ng punto o aral mula sa kanila. Tandaan na kapag ikaw naman ang umangat sa ranggo naging boss, ganyan din ang maaaring gawin sa iyo. Maaari silang magtanong nang magtanong sayo lalo na kung mayroong hindi malinaw o klaro para sa kanila.
Maaari ka ring magtanong tungkol sa flow o sistema ng trabaho na nais mong malaman o matutunan. Malaking tulong ang pagtatanong at mabisang malaman ang experiences nang iba at kung paano nila ito nagagawa.
3. Repeat back what you hear
Hindi sapat na napakinggan mo lang ang sinabi ng isang tao. Dapat ito ay iyong naintindihan at kayang ipaliwanag on your own. Sabi nga sa illusion of explanatory depth, maaaring akala mo ay naintindihan mo na ito ngunit hindi mo kayang ipaliwanag sa iyong sarili. Maaari rin naman na baka may misconception o maling interpretasyon sa sinabi niya kaya mainam na ulitin mo ito sa kanila upang maitama pa.
Ang mainam na gawin upang maretain o tumatak sa iyong utak ang sinabi ng ibang tao ay ulitin ito pabalik sa kanila. Kapag inulit mo ito, malalaman mo kung alin ang tumatak sa iyo at alin ang hindi mo na natandaan.
Good listening is active listening. Dito mo masasabi kung ang isang tao o lider ay nakikinig o marunong makinig. Magkaiba kasi ang nakikinig lang sa iniintindi iyong sinasabi. Puwedebg nakinig ka nga pero wala ka namang napulot na aral o natutunan. Kapag nagtanong ka at nilinaw mo yung sinabi ng isa, doon mo masasabing inintindi mo yung kwento o experiences na iyong narinig.
Magandang practice ang pakikinig dahil mas lumalawak ang iyong pangunawa sa mga bagay-bagay. Mahirap para sa iba ang makinig dahil mas gusto nilang magsalita ngunit dito mo malalaman kung magaling kang lider kung kaya mong hindi magsalita upang mag-give way sa sasabihing opinyon at suhestyon ng iba. #