Patay na at naaagnas nang matagpuan ang estudyanteng babae na limang araw nang nawawala na pinaniniwalaang ginahasa at pinatay sa damuhan sa Barangay San Isidro, Diffun, Quirino, ayon sa Police Regional Office 2 (PRO2) kahapon.
Sa report ng PRO2, ayon kay Diffun Police Station commander P/Maj. Juanito Balite Jr., isang magsasaka na naghahanap sa kanyang alagang baka ang nakakita sa bangkay ng biktima, na hindi na pinangalanan sa bukid ng nasabing barangay.
“May naamoy siya na hindi magandang amoy, hanggang natunton niya [‘yung bangkay] and then ni-report sa mga kabarangay and then may nag-report na rin sa amin,” ani Balite.
Ayon sa pulisya, naaagnas na ang biktima na may tali sa kanang paa at leeg at wala itong saplot.
Sa autopsy report, ginahasa muna umano ang biktima bago siya sinakal na siya niyang ikinamatay.
“Sinadya ito, pinatay talaga ‘yung biktima. Ang result ng examination sa kanya ay strangulation din,” ani Balite.
Samantala, positibo namang kinilala ng mismong mga kaanak ang biktima na taga-Barangay Aurora East at Grade 11 student ng Diffun National High School.
Huli raw nilang nakitang buhay ang biktima noong September 17 kung saan nagpaalam ito na may pupuntahan.
Sa ngayon, ay may persons-of-interest na sa pagkamatay ng biktima ang pulisya. (Allan Bergonia)
The post Nawawalang Grade 11 ni-rape slay first appeared on Abante Tonite.





